Para Sa Ating Ikatlong Anibersaryo

Hindi alam ng lahat ng tao ang mga pinagdaanan mo sa buhay, pero ako, kilalang-kilala kita. Siguro ang alam lang ng karamihan ay matapang ka, palaban ka, at walang halong ka-bullshitan, ika mo nga. Thug life ba. Totoo ang lahat ng iyan, pero alam ko na lahat ng tapang mo ay mula rin sa iyong kabaitan.

Hindi naging madali ang buhay mo kaya naging master ka ng diskarte. Marami nang sumubok manloko sayo, kaya inalam mo kung paano maging tunay. Kung maaga ka mang binigo ng mundo, maaga ka ring natuto kung paano ito iwasto.

Kaya kita mahal. Kasi kahit ilang beses ka nang pinahirapan ng buhay, sa halip na maging masama, ginagalingan mo pa lalo ang pagiging mabait at mapagbigay.

Alam din ito ng lahat ng tunay mong kaibigan, na kahit ilang ulit kayo magkaasaran ay tuluy-tuloy pa rin ang inyong samahan. Alam din ito ni Nica at ng ating mga tuta, dahil kahit ilang beses nilang guluhin ang bahay, ikaw pa rin ang numero unong nagpapakain, nagpapaligo at nakikipaglaro sa kanila. Alam din ito ng iyong mga kapatid at lalo na ng iyong Nanay. At alam din ito ng Kuya mo, na tiyak akong pinagmamalaki ka sa lahat ng bagong tropa niya sa langit.

At alam na alam ko ito. Araw-araw mo nalang akong pinapahanga. 

Ayan, konting alay-hirap mula sa akin para sa ating ikatlong anibersaryo. Pasensya na kung late. Next year, Bisaya na pud.